Thursday, August 20, 2015

Filipino para sa Pilipino: Pagtuturo ng Basic Accounting

Isinulat nina Andrea Castro at Maicca Manalo


----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Mga Layunin:
  1. Mapalawak ang kaisipan ng mga may maliliit na negosyo.
  2. Maging organisado at tama ang listahan.
  3. Pagbabadyet ng puhunan.
----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------


I.        Filipino bilang Pambansang Lenggwahe ng Pilipinas

Ang bansang Pilipinas ay binubuo ng iba't-ibang wika ngunit Filipino ang pangunahin at pambansang wika ng bansa. Ang iisang wika ang nagbubuklod sa mga puso at isipan ng bawat mamamayang Pilipino. Kung kaya't kung nasa ibang bansa man o nasa sariling bayan man, ang bawat Pilipino ay nagkakaunawaan at nagbubuklod-buklod sa pamamagitan ng wikang Filipino. Sa isang komunidad, ang mga mamamayan ay nagkakaisa kung iisang wika ang kanilang ginagamit, ang sariling atin at hindi ang wikang banyaga. Mapapadali ang transaksyon ng bawat isa maging pormal o hindi pormal, propesyonal man o hindi, nakapag-aral at 'di nakapag-aral, kung iisang wika ang ginagamit. Dahil dito, mas napapadali at napapabilis ang komunikasyon, interaksyon at paggawa ng anumang bagay na iniaatas sa bawat isang mamamayan dahil mas nagkakaintindihan ang mga ito. Sa pamamagitan ng paggamit ng sariling wika, mas napoprotektuhan ng bawat isa ang kanyang karapatan bilang isang mamamayan ng bansa at naisusulong ang kanyang kapakanan at responsibilidad. Ang lahat ng ito ay makakatulong sa pagbuo ng iisang mapayapa at masaganang ekonomiya ng bansa.

II.      Basic Accounting
A.      Pinagmulan
Ang ating bansa ay binubuo ng iba’t ibang negosyo kung kaya’t lubos na malilinang ang akawnting kung ito ay maibabahagi sa mga may malilit na negosyo gamit ang wikang Filipino.

Ang sistema ng Akawnting ay isa sa pinaka-matandang sistema dahil ito ay ginamit pa mula sa unang sibilisasyon. Si Luca Pacioli ang nagpasimula ng Accounting noong taong 1494 sa kanyang akda na “Suma de Arithmetica, Geometria, Proportioni et Proportionalita” o Everything about Arithmetic, Geometry and Proportion sa wikang Ingles. Sa akda niyang ito, binigyang pansin niya ang double-entry bookkeeping o ang “debit” at “credit”. Ang debit ay ang nasa kaliwang bahagi ng “T-Account” kung saan ito ay nadadagdagan tuwing may bagong ari-arian o mga nagastos, at credit naman ang nasa kanang parte na kung saan nadadagdagan ito tuwing may pagkakautang o nagkakaroon ng kita ang negosyo.

B.      Kahulugan
Ayon sa Wikipedia, ang akawnting ay ang larangan at pamamaraan ng pagsusuri, pagsusukat, pagproproseso, at pamamahayag ng mga ari-arian, ng mga pananagutan, ng mga kita, ng mga resulta ng mga gawaing ekonomiko ng isang grupo ng tao, at pinansyal na kalagayan o katayuan ng isang negosyo o organisasyon. Ito din ay tinaguriang “Wika ng Negosyo”. Samakatuwid, ito ay ang sistematikong proseso ng pagtatala at paghahayag ng mga datos ukol sa pinansyal na aspeto ng isang negosyo.

C.      Kahalagahan
Ang kahalagahan ng accounting ay ang mailahad ang mga pinansyal na ulat ng isang negosyo upang sa gayon ay magamit ito sa pagdedesisyon hinggil sa pagpapalago. Dahil ang accounting ay ang “wika ng negosyo”, ang mga negosyante ang makikinabang dito sapagkat sila ang lubos na gumagamit ng mga terminolohiya na kita at mga gastos. Kinakailangan din nila ito sapagkat ang accounting ay kanilang magagamit upang makabuo ng isang magandang desisyon sa pagpapalago pa ng kanilang negosyo.

D.      Mga Makikinabang
Hindi lamang basta negosyo ang makikinabang sa accounting sapagkat halos lahat ay ginagamit ito, mula sa pinakamaliit na mga organisasyon hanggang sa malaking organisasyon o bansa, lahat ay may mga namamahala ukol sa pinansyal na aspeto.

III.    Pagtuturo ng Basic Accounting sa Wikang Filipino

A.      Mabilis na Mauunawaan ng mga may Maliliit na Negosyo
Bilang Filipino ang pangunahing lenggwahe ng mga may maliliit na negosyo mas mauunawan ng mga ito ang accounting kung ito ay maipapaliwanang gamit ang wikang Filipino.

B.      Pag-oorganisa ng mga Seminar, Workshop, Tutorial o Training
Ang pagtuturo ng Basic Accounting para sa mga nakapagsimula at magsisimula pa lamang ng maliit na negosyo ay kailangang mabilis at lubos na mauunawaan ng mga negosyante, kung kaya’t ang pag-oorganisa ng seminar, workshop, tutorial o training sa loob ng isa hanggang dalawang araw ang maaring gawin. Lubos na matatangkilik ito ng mga negosyante sapagkat ang pang mahabang panahon na pag-aaral ng accounting ay magiging maigsi na lamang sa kanila at ‘di na makakasagabal pa sa kani-kanilang gawain sa bahay o mga gawain hinggil sa kanilang mga negosyo.

Marami sa mga may maliliit na negosyo ay basta-basta na lamang magtatayo sa kanilang bahay o sa mga pamilihang bayan. Marami din sa kanila ang hindi alam ang mga tamang proseso bago magtayo ng negosyo, gaya ng pagpaparehistro sa gobyerno, sa munisipaliada o lungsod, at BIR. Karaniwan na sa mga may maliliit na negosyo ay hindi alam ang double-entry sa accounting, kadalasan na nilang ginagamit ang single entry. Sa paglulunsad ng seminar, workshop, tutorial o training, malaki ang maitutulong nito sa kanilang maliliit na negosyo.

IV.   Epekto ng Paggamit ng Wikang Filipino sa Basic Accounting

Sa seminar, workshop, tutorial o training na gagawin, bibigyang diin dito ang mga mahahalang parte ng accounting at tutok na pagtuturo ng accounting. Sa pamamagitan nito, mapagkukumpara nila ang mga listahan ng tamang kita at mga ginastos. Malalaman din nila ang tamang pagbabayad sa gobyerno. Kaya ang pangunahing pangangailangan ay maging tama at organisado ang listahan sa kanilang negosyo. Dahil nalaman na nila ang tunay na paggamit ng listahan, madali na nilang mababadyet ang puhunan at makikita na rin nila ang kanilang kita at ginastos sa loob ng isang buwan o taon. Dahil wikang Filipino ang gamit sa pagtutoro, madaling matututo ang mga negosyante sa paggawa ng kanilang listahan at pagbabadyet ng kanilang puhunan.

V.     Konklusyon at Rekomendasyon

Sa pagtuturo ng Basic Accounting, maaari nilang mapalago ang kanilang maliliit na negosyo batay sa paglilista. Madali na nilang makikita ang unti-unti nilang pag-unlad. Sa gayon, ‘di lamang sila sa sarili umuunlad kundi ay nakatulong din sila sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.


Ang mga natutunan ng mga negosyante ay maaring ibahagi sa kapwa na nagsisimula pa lamang bumuo ng negosyo. Sa paraang ito ay naipakalat na ang tamang paggamit ng Basic Accounting.

2 comments: